Humingi na ng tulong ang Pilipinas sa international community para sa agarang pagpapalaya sa labing pitong Pinoy seafarers na hinostage ng Yemen’s rebel group na Houthi sa Red Sea.
Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers OIC Undersecretary Hans Leo Cacdac sa interview ng DZXL News kasunod ng panawagan ng mga mambabatas na gamitin na ng pamahalaan ang lahat ng diplomatic channel at resources para malapaya ang mga Pinoy seafarers.
Ayon kay Cacdac, agad na kumilos ang Department of Foreign Affairs para makipag-ugnayan sa mga bansa sa Middle East matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawin ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng mga tripulanteng Pinoy na binihag ng Houthi.
“Sinasagawa na ito, I think, bahagi na rin ito sa anunsyo ng ating pangulo at kami ay well coordinated kay Secretary Ricky Manalo ng DFA. Nagkaroon ng mga efforts in-terms of coordination with the international community. Rest assured, isinasagawa na ito sa ngayon.” ayon kay Cacdac.
Sinabi ni Cacdac na patuloy rin ang pakikipag-ugnayan nila sa manning agency ng mga tripulante at pamilya ng mga ito sa Pilipinas.
Sa ngayon ay kinumpirma ng DFA na maayos naman ang kalagayan ng mga Pinoy seafarers.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, tiniyak ng Houthi na hindi nila sasaktan ang hawak nilang mga bihag.