Pilipinas, isa sa mga bansa sa Asia Pacific na huling makakarekober sa pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pandemic ayon sa Moody’s Analytics

Inihayag ngayon ng Moody’s Analytics na ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa Asia Pacific ang huling makakarekober sa pagbagsak ng ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa inilabas na report ng Moody’s Analytics na isang kompanya na nagre-research sa lagay ng ekonomiya ng isang bansa, makakarekober ng buo sa ekonomiya ang Pilipinas sa huling bahagi ng taong 2022.

Ayon kay Steve Cochrane, Asia Pacific chief Economist ng Moody’s Analytics, bagama’t may ilang bansa na nakakarekober na sa kanilang ekonomiya partikular sa Asia Pacific, hindi naman daw parehas dahil magkakaiba ang sitwasyon ng bawat bansa.


Base pa sa research ng Moody’s, nagawa na ng bansang China na makarekober sa ekonomiya kahit pa bahagya itong bumagal sa ikalawang bahagi ng taon habang ang Taiwan at Vietnam naman ay nakarekober na rin sa ekonomiya matapos nilang makontrol ang outbreak ng virus sa loob ng ilang buwan.

Sinabi pa ni Cochrane na ang Pilipinas, Japan at India naman ay tila mahihirapan pang makabangon sa ekonomiya hanggang sa ikalawang bahagi ng taong 2022.

Aniya, ang India at Pilipinas ang dalawang bansa na lubhang naapektuhan ang ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic at siguradong mahihirapan na makabangon sa ngayon.

Inaasahan ng Moody’s Analytics na unti-unti naman mararamdaman ang pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2022 dahil ito ang taon kung kailang magaganap ang national at local elections.

Facebook Comments