Igigiit ng Pilipinas ang pagkuha ng suporta at tulong sa gaganaping United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) summit sa Egypt dahil sa pagiging “vulnerable” ng bansa sa epekto ng climate change.
Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, muling mananawagan ang delegasyon ng Pilipinas upang igiit ang karapatan ng bansa na maibigay ang kaukulang tulong sa mga papaunlad na bansa na umaani ng negatibong epekto ng greenhouse gas (GHG) emissions na dahilan ng climate change.
Ang Pilipinas ay maituturing na highly vulnerable sa epekto ng climate change kabilang na rito ang pagtaas ng sea level, pagtaas ng frequency ng extreme weather events, pagtaas ng temperatura at extreme rainfall.
Kasama rin ito sa ‘world’s most cyclone-prone region’ kung saan umaabot sa 19 hanggang 20 bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon habang pito hanggang siyam naman sa mga ito ang nagla-landfall.
Ang COP27 ay isasagawa matapos na manalasa ang Severe Tropical Storm Paeng na nag-iwan na mahigit sa isandaang kataong patay at nagdulot din ng landslides, malawakang pagbaha at pagkaputol ng linya ng kuryente na nakaapekto sa mahigit tatlong milyong Pilipino.