Magdo-donate ang Pilipinas ng $1 million o ₱47.6 million sa COVAX facility para suklian ang kanilang tulong sa COVID-19 vaccination program ng bansa.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pormal nang humihingi ang COVAX sa Pilipinas at iba pang bansa ng donasyon para mas marami pang COVID-19 vaccines ang maipamahagi sa ibang nangangailangang bansa.
Aniya, handa niyang tugunan ang panawagan ng COVAX facility.
“They are asking for contributions para makabili pa sila, to keep the operation running because they probably are running low of funds also,” ani Pangulong Duterte.
“As a beneficiary of the generosity of COVAX, and the desire also to help people, we will answer their pleadings of donation. The Philippines is giving $1 million… It’s our turn also to return the goodwill they have shown,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na ang COVAX facility ang isa sa mga unang tumulong sa Pilipinas para masimulan ang vaccination program.
“Napakabait ng COVAX sa atin. At the time we needed it most, one of the earliest agencies to help us, aside from the contributions made by China,” sabi ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon, aabot na sa 2,749,050 COVID-19 vaccines ang natanggap ng bansa mula sa COVAX facility.