Mahihirapan na ang Pilipinas na itaboy ang mga Chinese vessels na nasa loob ng Julian Felipe Reef na bahagi ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng security expert na si Professor Rommel Banlaoi na pumu-puwesto na kasi doon ang China para igiit ang kanilang karapatan.
Kasunod nito, naniniwala rin si Banlaoi na maritime militia ang sakay ng mga sinasabing fishing vessels batay na rin sa hinala ng Japan at Estados Unidos.
Bukod sa Pilipinas ay naghain din ang Vietnam ng diplomatic protest laban sa china dahil sa presensiya nito sa Julian Felipe Reef na itinuturing din nila na sakop ng kanilang bansa.
Samantala, sa gitna ng isyu ng maritime claims sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea ay magtutungo ngayong araw sa China si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at tatlo pang Southeast Asian Foreign Ministers.
Ayon sa Foreign Ministry ng China, ito ay upang pagtibayin pa ang relasyon ng kanilang bansa at ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kasabay ng pagdiriwang ng 30th anniversary ng China-ASEAN relations.