Pilipinas, malayo pa sa pagkamit ng 100 percent food security

Inamin ni Senator Sherwin Gatchalian na malayo pa ang bansa sa pagkamit ng 100 percent na food security.

Aniya, kung pagbabatayan ang sariling produksyon ng pagkain partikular sa bigas ay malayo pa dahil 5 percent ng ating bigas ay ini-import pa sa ibang bansa.

Pero kung isasama ang mga kasunduan sa ibang bansa tulad sa Vietnam at India kung saan tayo umaangkat ng bigas ay sasapat naman ang suplay o masasabing self-sufficient naman ang bansa.


Sinabi ni Gatchalian na hindi man natin kaya pang mag-produce ng sariling 100 percent na bigas, ay maituturing pa ring mayroon tayong sapat na food security dahil sa mga kasunduan na pupuno sa kakulangan ng ating suplay.

Magkagayunman, iginiit ni Gatchalian na mainam pa rin na maabot ng Pilipinas kahit ang 98 percent ng rice production para mas lumiit ang rice importation at mas magiging secure tayo sa sariling suplay ng pagkain.

Paliwanag ng senador, mabuting magkaroon tayo ng sariling kakayahan na punan ang suplay ng pagkain dahil sa mga ganitong sitwasyon tulad ng El Niño o kaya ay matinding pagbaha ay may pagkakataong humihinto sa kanilang pagluluwas ng mga produkto ang mga bansang kinukuhanan natin ng suplay ng bigas tulad na lamang sa India.

Facebook Comments