Naniniwala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mas handa ngayon ang pilipinas sa inaasahang pagtama ng “The Big One.”
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PHIVOLCS OIC Director Teresito Bacolcol na nakatulong ng malaki ang quarterly earthquake drill na isinasagawa ng NDRRMC.
Dahil dito, mas nagiging aware ang mga Pilipino kung paano paghahandaan ang pagtama ng malakas na lindol.
Batay sa estimate ng PHIVOLCS, posibleng tumama ang “The Big One” sa bansa bago ang 2059.
“Yung 2059, estimate lang po yan kasi the last time we […] is in 1659. So, meron kaming pag-aaral na every 400 years or so, gumagalaw yung fault. So, 1659 plus 400, that would be 2059. But of course, give or take several decade, hindi yan yung ano. So hindi yan exact na 2059. So it could be earlier or later than 2059,” paliwanag ni Bacolcol.
Samantala, sakaling tumama ang malakas na lindol sa Metro Manila, pinaka-maaapektuhan nito ang mga lungsod na maraming matataas na gusali na hindi rin maganda o matibay ang pagkakagawa.
Habang posibleng kayanin ng mga bagong tayong gusali sa NCR ang 7.2 magnitude na lindol.
“Yung earthquake naman per se, hindi yan nakamamatay. It’s the collapse of human constructions and buildings, bridges na nakamamatay ng tao. So make sure that building codes are strictly followed and of course, preparedness should be done at all levels,” dagdag niya.
Nasa 7.8 magnitude ang pinakamalakas na lindol na maaaring tumama sa bansa na posibleng mag-iwan ng 30,000 casualties.