Pilipinas, may sapat pang pondo sa pagbili ng bakuna ngayong taon

Tiniyak ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na sapat pa ang pondo ng Pilipinas para ipambili ng bakuna laban sa COVID-19 ngayong taon.

Sa pagdinig ng Senado ngayong araw kaugnay sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, sinabi ni Galvez na aabot pa sa P88.56 bilyon ang nakalaan para sa pagbili ng COVID-19 vaccines para sa 50 hanggang 70 milyong mga Pilipino ngayong taon.

Kung sa sinabi naman ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado na saan mapupunta ang P25 milyong vaccine procurement budget, nilinaw ni Galvez na gagamitin pa ito sa taong 2022.


Sa nasabing pagdinig din sinuportahan ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez na sapat ang P88.56 bilyon para sa pagbili ng 148 milyong doses ng bakuna ngayong taon.

Sa budget, P57.3 billion ang inutang sa Asian Development Bank, World Bank at Asian Infrastructure Investment Bank at P2.28 bilyon ang nanggaling sa contingency fund ng tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, pagtitiyak ni Dominguez mananatiling transparent ang paggastos ng gobyerno sa bakuna.

Hanggang ngayong Hunyo, aabot na sa mahigit 19.1 milyon doses ng bakuna ang maide-deliver sa Pilipinas at tataas ito sa mahigit 30.8 milyong doses pagsapit ng Hulyo.

Facebook Comments