Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang panibagong diplomatic protest na inihain ng Pilipinas laban sa China.
Kasunod ito ng mga agresibong galaw ng Chinese Coast Guard (CCG) kabilang na ang pagtutok ng military-grade laser sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal at ang mga mapanganib na pagmaniobra ng barko.
Ayon sa DFA, pinadala nila ang diplomatic protest sa Chinese embassy ngayong araw, February 14.
Iginiit ng DFA na ang mga hakbang ng CCG ay banta sa soberenya ng Pilipinas at sa seguridad ng bansa.
Nakakadismaya rin anila ito lalo na’t katatapos lamang ng state visit sa China ng Pangulong Bongbong Marcos kung saan nag-usap din sila ni Chinese President Xi Jinping.
Sinabi pa ni DFA Spokesperson Teresita Daza na may prerogative ang Pilipinas na magsagawa ng mga lehitimong aktibidad sa exclusive economic zone (EEZ) at sa continental shelf nito.
Aniya, walang karapatan ang Tsina sa Ayungin Shoal o sa alinmang teritoryo ng Pilipinas.
Hinimok din ni Daza ang China na tumalima sa mga obligasyon nito sa ilalim ng international law, kabilang na ang 1982 UNCLOS at ang 2016 Award sa South China Sea Arbitration.