Pilipinas, nakatanggap na ng mahigit 37 million doses ng COVID-19 vaccines

Umabot na sa mahigit 37 million doses ng mga bakuna kontra COVID-19 ang natanggap ng Pilipinas.

Sa pagharap ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi nitong nasa kabuuang 37,275,800 doses na ng COVID-19 vaccines ang nakuha na ng bansa.

Kasama sa bilang na ito ang mga donasyon ng COVAX Facility at mga biniling bakuna ng gobyerno.


Ayon kay Galvez, nasa 21.8 million na indibidwal sa bansa ang nabakunahan na o nakatanggap na ng una at ikalawang doses ng bakuna.

Sinabi naman ni Health Usec. Myrna Cabotaje na naitala kahapon ang pinaka-mataas na bilang ng bakunahan, na umabot sa 680,000 vaccines na na-administer o naiturok.

Ito aniya ay higit sa target na 500,000 jabs o pagbakuna kada araw.

Dagdag ni Cabotaje, mayroon pang inaasahang deliveries ng mga COVID-19 vaccines sa mga darating na linggo.

Facebook Comments