Nangangailangan ang pamahalaan ng aabot sa 6,000 doktor at 4,000 nars habang patuloy ang bansa sa pagtugon laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni Marikina Representative Stella Quimbo na siyang sponsor ng 301 bilyong pisong pondo ng Department of Health (DOH) sa taong 2023.
Ayon kay Quimbo, bahagi lamang ito ng 21,021 bakanteng posisyon sa DOH kung saan hirap aniya ang recruitment para rito bunsod ng mababang pasahod na inaalok sa gobyerno.
Tiniyak naman aniya ng ahensya na gumagawa na sila ng paraan upang mapataas ang salary grades ng mga doktor at maging ng mga psychologists upang matututukan din ang pangangailangan ng bansa sa mental health care.
Sa ngayon, pinag-aaralan pang mabuti ang salary adjustment sa mga healthcare workers upang hindi magkaroon ng wage distortion.