Pilipinas ,nanguna sa buong mundo sa oras ng paggamit ng internet at social media; halos 11 oras sa internet, mahigit 4 na oras sa social media

 

 

Nanguna ang mga Filipino sa mga bansa sa mundo na matagal ang pananatili sa paggamit ng social media at internet.

Sa Digital 2021 report ng socially-led creative agency na “We Are Social” at social media management platform na “Hootsuite” ang Pilipinas ang global leader sa oras ng pananatili sa paggamit ng social media.

Ayon sa pag-aaral, ang mga Pinoy ay mayroong average na 4 na oras at 15-minuto
kada araw sa paggamit ng social media. Tumaas ito ng 22-minuto kumpara sa Digital 2020 average na 3 hours and 53 minutes.


Ang global average para sa social media usage ay 2 hours and 25 minutes.

Ang Pilipinas din ang nanguna sa “daily time spent” sa paggamit ng internet na may average na 10 hours and 56 minutes.

Tumaas ito kumpara sa Digital 2020’s average na 9 hours and 45 minutes.

Ang global average para sa internet usage ay 6 hours and 54 minutes.

Nakasaad din sa report na tumaas ang Philippine e-commerce adoption mula sa 76% noong Digital 2020 patungo sa 80.2% sa Digital 2021.

Ito ang ikalawang sunod na taon na tumaas ang datos ng bansa.

Magugunitang batay sa Ookla Speedtest Global Index umangnat ng 14 na puntos ang ranking ng Pilipinas sa mobile Internet connection speed.

Ang average mobile Internet speed ng Pilipinas noong December 2020 ay naitala sa 22.50 megabits per second (Mbps) kumpara sa 18.49 Mbps noong November 2020.

Nakapagtala ng 4Mbps na monthly increase para sa mobile internet mula Nobyembrer hanggang Disyembre matapos magsagawa ng 118 million tests sa lahat ng rehiyon, lungsod, at munisipalidad sa bansa.

Ito na ang highest monthly increase na naitala simula noong July 2016.

Samantala, nakatakdang makipagpulong ang National Telecommunications Commission (NTC) sa Globe at Smart ngayong buwan para sa unang bi-monthly meeting kasama ang DICT.

Layon nitong matiyak na makukumpleto sa itinakdang panahon ang mga plano ng telco para sa expansion at improvement sa taong 2021.

Sa nasabing pulong ay ilalatag ng telcos sa NTC ang estado ng kanilang network roll-outs at mga nararanasan pang problema. Tutukuyin din ng NTC kung paanong makatutulong ang gobyerno sa mga isyu at hamon ng “red tape”.

Sa unang dalawang quarter ng taong 2021, isusulong ng NTC ang front-loaded implementation ng roll-out plans ng mga telco.

Sa pamamagitan ng bi-monthly meetings matututukan ng NTC ang pag-usad ng network improvement ng mga telco at pagpapabuti pa ng internet speed sa bansa.

Facebook Comments