Malaki ang posibilidad na papunta na ang bansa sa tinatawag na “new normal.”
Sa harap ito ng patuloy na pagbaba ng naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, posibleng pagsapit ng Marso ay maglalaro na lamang sa 1,000 hanggang 2,000 ang maitatalang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Malaki ang possibility na patungo na sa new normal,” ani David sa panayam ng RMN Manila.
“Ang prediction namin, at least sa NCR na by March ang numero na makikita natin ay medyo tulad na dun sa nakita natin last year noong November, December bago nagkaroon ng surge na nasa hundreds na lang talaga at buong bansa baka less than 2,000 less than 1,000 na lang. Sana magtuloy-tuloy na talaga,” dagdag niya.
Samantala, para kay David, malaki ang naitulong ng vaccination program ng gobyerno para mapababa ang bilang ng tinatamaan ng virus at magkaroon ng population immunity laban sa Omicron variant.
Pero kahit bumababa na ang kaso, nagpaalala ang OCTA sa publiko na patuloy na sumunod sa minimum public health protocols.