Pinayuhan ng security analyst ang pamahalaan na magkaroon ng contingency measures sakaling lumala ang girian ng China at Taiwan sa Taiwan Strait.
Ayon sa isang military historian at international security analyst na si Jose Antonio Custodio, dahil mayroon namang umiiral na informal diplomatic mission ang Pilipinas sa Taiwan, dapat sa Day 1 pa lamang ay gumagawa na ng mga plano o counter measures ang bansa.
Sinabi ni Custodio na kabilang sa dapat paghandaan ng bansa ay ang economic fallout lalo na sa 200,000 na mga OFW na nasa Taiwan.
Aniya, bagama’t umaasa ang lahat na hindi mauwi sa Chinese invasion ang pagporma ng People’s Liberation Army (PLA) sa kanilang military drills, mas mabuti na aniya na maghanda pa rin ang Pilipinas sa mga “worst case scenario.”
Una nang sinabi ng International Development and Security Cooperation President at Founder na si Chester Cabalza na napakahirap ng sitwasyon ng Pilipinas lalo na at bina-balanse nito ang relasyon sa dalawang superpowers na Amerika at China.