May posilidad na sa katapusan ng 2022 ay mayroon nang mga kumpanya sa bansa na makakapag-produce ng COVID-19 vaccines.
Kinumpirma ito ni Science and Technology Usec. Rowena Guevarra sa Kapihan Session ng Department of Health o DOH hinggil sa “Vaccine Manufacturing Roadmap towards Vaccine Self Sufficiency.”
Ayon kay Guevara, April 2020 pa lamang ay nakikipag-usap na ang Department of Science and Technology (DOST) at iba pang ahensya ng pamahalaan sa ilang mga pribadong kumpanya na interesado na gumawa ng mga bakuna.
Sa ngayon ay mayroon aniyang 6 na local pharmaceutical companies na interesadong gumawa ng mga bakuna.
Dalawa aniya sa mga ito ang mabilis ang proseso at kung sila ay magtutuloy-tuloy, posibleng makapag-produce sila ng COVID-19 vaccines sa huling bahagi ng 2022.”
Nang matanong naman kung gaano karaming bakuna ang maaaring magawa, sinabi ni Guevara na posibleng umabot sa 40 million na mga bakuna kada taon ang makakaya.
Ayon kay Guevara, kailangang magkaroon ang Pilipinas ng sarili vaccine manufacturing industry upang mapalakas ang national immunization program ng pamahalaan.
Preparasyon din aniya ito sakaling magkaroon ng panibagong pandemya.