Nagbabala ngayon ang isang health expert sa posibilidad na maharap ang bansa sa fourth wave ng COVID-19.
Kasunod na rin ito ng apela ng ilang transport officials na payagan na ang full capacity sa mga Public Utility Vehicle (PUV).
Binigyang-diin ni Philippine College of Physicians President Dr. Maricar Limpin na maaaring tumaas muli ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung agad na tatanggalin ang mga umiiral na quarantine restrictions, partikular na ang pag-o-operate ng 100-percent capacity dahil sa kawalan ng physical distancing.
Pinaghihinay-hinay rin ni Limpin ang mga opisyal ng gobyerno sa pagbaba ng restriction lalo na’t ang naitala aniyang 3,000 new cases per day ay isa pa rin indikasyon na may virus pa at nananatili itong banta sa publiko.
Bukod dito, ibinabala rin nito ang pagtaas ngayon ng COVID-19 global trend na posibleng sundan ng Pilipinas.