Posibleng sa susunod na taon ay masimulan na ng Pilipinas ang paggawa ng sarili nitong bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Spokesman Restituto Padilla, ilang vaccine manufacturer na ang nakikipagnegosasyon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. ukol sa planong pagtatayo ng local vaccine manufacturing hubs sa bansa.
Tumanggi naman si Padilla na sabihin ang brand ng bakuna dahil sa umiiral na non-disclosure agreement.
Ikinokonsiderang itayo ang manufacturing warehouses malapit sa mga paliparan para madaling maibiyahe ang mga bakuna sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Sa sandaling matapos, sinabi ni Padilla na makakatulong ito para mapabilis ang vaccine rollout dahil hindi na aasa pa ang Pilipinas sa mga bakunang ipinadadala ng mga manufacturer mula sa ibang bansa.