Pilipinas, priority partner ng Russia para sa Sputnik V supply

Tiniyak ng Russia na prayoridad ang Pilipinas sa kanilang supply ng Sputnik V vaccines.

Sa pagdinig ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni San Jose del Monte Representative Florida Robes, tiniyak ng Russian embassy officials na magsusumite sila sa pamahalaan ng requirements para sa vaccine procurement.

Siniguro ni Russian Embassy Minister Counselor Valdlen Epifanov at ni First Secretary Vladislav Mongush sa mga mambabatas na kukumpletuhin nila ang requirements na hinihingi ng Pilpinas para sa Sputnik V.


Sabi ni Epifanov na lumabas sa resulta ng kanilang phase 3 clinical trials noong nakaraang taon na mataas ang safety at efficacy rate ng kanilang bakuna.

Ligtas din itong gamitin para sa mga may edad 60-anyos pataas.

Dagdag pa ni Mongush, ang Russia ang unang bansang nag-alok ng bakuna nito sa Pilipinas.

Tiniyak din niya kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na agad silang maglalabas ng visa sa Philippine Team of Experts na magsasagawa ng inspection sa Gamaleya facilities at vaccine manufacturing plant sa Moscow.

Kumbinsido si Domingo na pasok sa efficacy at safety standard ang Sputnik V pero patuloy pa rin nilang ine-evaluate ito bago aprubahan ang application para sa Emergency Use Authorization (EUA).

Facebook Comments