Pilipinas, tanging bansa sa Timog-Silangang Asya na hindi pa nakakabalik sa face-to-face classes – DepEd

Tanging ang Pilipinas na lamang sa mga bansa sa Southeast Asia ang hindi pa bumabalik sa face-to-face class ngayong pandemic.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, batay sa pakikipagpulong nila sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), ang Pilipinas na lang ang nag-iisang bansa na patuloy na nagpapatupad ng online schooling.

Aniya, ang face-to-face classes sa ibang bansa ay “contextualized” kung saan may iba na may isang oras sa isang linggo habang ang iba naman ay dalawang araw, depende sa sitwasyon.


“Pero tayo na lang na talagang hindi pa natin pinapayagan ang face to face dahil nga ang nangyari ay paglabas ng UK variant, siyempre nag-worry ang Presidente na baka may epekto ito sa ating mga eskuwelahan,” sabi ni Briones.

Sabi pa ng kalihim, patuloy ang paghahanda ng DepEd sa pagdating ng panahon na bawiin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deferment ng pilot studies ng Pilipinas.

Pero marami aniyang kondisyon ang dapat na ikonsidera gaya ng pagpayag ng local government na magsagawa ng face-to-face classes sa kanilang nasasakupan at written consent ng mga magulang para kung may mangyaring hindi maganda ay hindi sisihin ang DepEd.

Bukod dito, kailangan ding ikonsidera ng kagawaran ang mga pasilidad para sa pilot study.

Gayundin ang tracking o medical journals kung ano ba ang epekto ng COVID-19 sa mga bata, saan nakakapulot ang mga ito ng germs o virus, transportasyon, canteen o pagkain at kung ano pa ang kailangan na matiyak na malinis.

Facebook Comments