Pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga hakbang ng Anti-Terrorism Council (ATC) para mailabas ang Pilipinas sa Financial Action Task Force (FATF) Grey List.
Ayon sa FATF, kapag ang isang bansa ay nasa grey list, ibig sabihin nito ay nakikipagtulungan ang bansang ito para matugunan ang mga depekto sa financial systems nito at mapigilan ang mga insidente ng money laundering at terrorist financing.
Sa 33rd ATC Regular Meeting at Year-End Celebration sa Malacañang, inanunsyo ni Pangulong Marcos na nakaalpas na ang bansa sa naturang listahan.
Makatutulong ito para sa maraming Pilipino dahil sa mas maayos na remittances ng Overseas Filipino Worker (OFW) at mas mataas na kumpiyansa ng mga investors.
Nangangahulugan din ito na nagawa ng bansa na malabanan ang money laundering at terrorist financing, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor, at public servants.
Kinilala rin ng Pangulo ang mga tagumpay ng ATC sa pagsira ng mga terrorist organization, pag-freeze ng kanilang mga asset, at pagpapalakas ng seguridad ng bansa.