Sinimulan na dito sa Kamara ang pilot registration ng Philippine Identification System o PHILSYS para sa National ID System.
Target dito na makapagparehistro para sa National ID ang mahigit 4,000 mga kawani ng House of Representatives kasama ang mga kongresista, mga staff at iba pang empleyado ng Kamara, regular man o contractual.
Nakaayos alphabetically ang pagpaparehistro para maging maayos at mabilis ang proseso.
Nakahiwalay din ang registration para sa mga empleyado ng Kamara na matatanda, mga buntis at mga may kapansanan.
Layunin ng pilot registration na makuha ang demographic at biometric data ng magpaparehistro gayundin ay maitama ang anumang maling makikita sa sistema.
Pupulungin naman ni Laguna Rep. Sol Aragones, isa sa mga may-akda ng National ID, ang iba pang mga authors ng panukala para mapag-usapan at maplantsa ang mga aberyang nakita sa unang araw ng registration.
Hiniling naman ng Project Development Officer Marcos Ryan Laurente sa mga magpaparehistro na pumunta sa itinakdang oras ng kanilang schedule upang hindi madelay ang ibang magpoproseso.
Nakalinya na rin para sa pilot registration ang DSWD kabilang ang mga beneficiaries ng ahensya, DICT, DBM, DOF, Bureau of Treasury at SSS.