Welcome development para kay ACT Teachers Partylist Representative France Castro ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na payagan na ang “pilot run” ng limitadong “face-to-face classes” sa 120 mga paaralan sa bansa na may mababang banta o kaso ng COVID-19.
Ikinalulugod ng kongresista ang hakbang ng pangulo dahil sa loob ng isang taong pagsasara ng mga paaralan sa pandemya ay naisakripisyo at naapektuhan ang kalidad at “access” sa edukasyon ng mga kabataang Pilipino.
Samantala, kahit pabor ang progresibong kongresista ay dapat na makapaglatag ang Department of Education (DepEd) ng mga measure para sa ligtas na face-to-face classes.
Una rito ay ang pagtiyak na may sapat na pasilidad at mahigpit ang pagpapairal ng health protocols.
Umapela rin si Castro na paglaanan ng pondo ng gobyerno ang mga paaralan upang maprotektahan ang mga estudyante, guro at mga school personnel.
Panghuli ay sapat na kompensasyon at allowance sa mga guro at pagpapadali sa paraan ng edukasyon ng mga kabataang nasa ilalim pa rin ng blended o distance learning.