PILOT TESTING NG FULL F2F CLASSES SA CAUAYAN CITY, NAGING ‘MAAYOS’- SDO

Maayos at walang naitalang untoward incidents sa pagsasagawa ng pilot testing ng full face to face classes sa mga paaralan dito sa Lungsod ng Cauayan.
Sa ating panayam kay Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr, wala naman aniyang naging problema sa dalawang araw na transition ng F2F classes sa mga paaralan at ito ay maituturing na ‘manageable’.

Sa ngayon, mayroong 25 paaralan ang nagsagawa na ng transition sa Elementary level habang lima (5) naman sa Secondary Schools.

Paliwanag ni Gumaru, ginagawa nila ito para matukoy at matugunan agad ang mga posibleng maitalang problema at nang mapaghandaan ang full blast ng face to face classes sa November 2, 2022.

Samantala, natugunan naman ang unang naging kakulangan ng mga guro sa Lungsod ng Cauayan kung saan nasa 34 ang naidagdag sa bilang ng mga guro.

Para mapunan ang kakulangan ng guro sa Lungsod, nagpanukala ang SDO Cauayan sa National Office ng karagdagang mahigit isang daang guro at umaasa namang matugunan ito sa lalong madaling panahon.

Target namang ipakalat sa lahat ng lebel ng paaralan sa Lungsod ang mga bagong makukuhang guro.

Facebook Comments