Naging matagumpay ang unang linggo ng vaccination rollout sa mga kabataang edad 15 hanggang 17 na may comorbidity.
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH) matapos na walang major side effects na naitala sa pilot implementation ng pediatric vaccination na nagsimula noong Biyernes.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ilang minor side effects lang ang kanilang naitala tulad ng pagtaas ng blood pressure na nag-stable rin matapos na makapagpahinga.
Batay sa tala ng DOH, pumalo na sa 1,509 ang mga minor na may comorbidities ang nabakunahan na.
Sa National Children’s Hospital, umabot na sa mahigit 200 ang kabataang nabakunahan kung saan target nila ngayon araw ang 250 minors.
Kasabay nito, hinikayat ni National Children’s Hospital Vaccination Head Dr. Christian Ramos ang mga magulang na pabakunahan ang mga anak na may comorbidities upang maprotektahan sa COVID-19.
Bukod sa mga ospital, pinag-aaralan na pamahalaan ang posibleng pag-rollout ng pagbabakuna sa mga kabataan sa mga local government vaccination center.