Manila, Philippines – Pinaalalahanan ng Movie, Television Review and Classification Board (MTRCB) ang lahat ng bus company na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng mga pornographic materials sa sasakyan habang bumibiyahe sa mga lalawigan.
Ginawa ni MTRCB Chairman Rachel Arenas ang paalala kasunod ng isang insedente noon na may inireklamong bus na nagpalabas ng malaswang pelikula habang bumibiyahe sa lalawigan.
Ngayon umaga, kasama ang ilang miyembro ng MTRCB maglilibot si Arenas sa ilang bus terminal sa Metro Manila para alamin ang sitwasyon at tiyaking hindi lalabag sa kautusan ang mga operators.
Dalawang araw na isasagawa ang inspection at information drive sa passenger buses at mga bus terminals simula ngayong Martes hanggang bukas.
Nais ng MTRCB na maging aware ang publiko at sisiguruhin ang mga bus na sinasakyan ay nagpapalabas lamang ng mga pelikula na may general at parental guidance film classification.
Kabilang sa mga iinspeksyuning bus terminal ng MTRCB ay ang Araneta Bus Grand Terminal, Super Lines Terminal, Baliwag Terminal, Genesis Terminal at Jac Liner Bus.
Isusunod naman bukas ang Florida Bus Terminal sa Manila at Southwest Bus Terminal sa Pasay City.