Manila, Philippines – Pinapabawi ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing ang naunang statement ng PDEA na P6.8 billion ang halaga ng iligal na droga na natagpuan sa Cavite.
Ito ay matapos na aminin ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na hinulaan lamang ang P6.8 billion na halaga ng shabu na hindi naman na nakita sa loob ng natagpuang magnetic lifters.
Pero, itinuturo naman ni Lapeña si PDEA Director General Aaron Aquino na siyang nagbanggit ng halaga nang magsagawa ito ng press conference pagkatapos ang pagkakadiskubre sa mga containers.
Sinabi ni Lapeña na tulad sa mga metallic lifters na nakita sa Manila International Container Port (MICP), umupo din sa mga metallic lifters na natagpuan sa Cavite ang mga K-9 dogs indikasyon na ito ay positibo sa droga.
Nanindigan din si Atty. Ruel Lasala ng PDEA na droga ang laman ng magnetic lifters sa GMA Cavite kahit pa walang shabu na nakuha mula dito dahil parehong-pareho ang mga circumstances nito sa mga containers na naglalaman ng droga na natuklasan sa MICP.
Nang matanong naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo kung handa ang PDEA na bawiin ang maling pahayag nito, tumanggi naman si Lasala na gawin ito.