Manila, Philippines – Nakatakda nang bumalik sa tungkulin anumang araw mula ngayon ang sinuspindeng gubernador ng Camarines Norte na si Edgardo Tallado.
Yan ay makaraang katigan ng Court of Appeals special 7th Division ang petition for review ng Gobernador sa dismissal order ng Ombudsman laban sa kanya sa kasong grave misconduct and abuse of authority na isinampa ni dating Camarines Norte Provincial veterinarian Edgardo Gonzales na kumumustiyon sa kanyang “second re-assumption”.
Ayon sa Appellate Court, hindi grave misconduct kundi simple misconduct lamang ang nagawa ni Tallado at ito ay may katumbas lamang na isang buwan at isang araw hanggang anim nabuwang suspensiyon.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng gobernador na si Sherwin Mata kung bakit ‘partially granted’ ang naging desisyon ng CA sa petition for certiorari ni Tallado sa Ombudsman decision.
Ayon sa desisyon ng CA Special Special 7th Division, napagbayaran na ni Tallado ang anim na buwang suspensyon simula ng boluntaryo itong bumaba sa pwesto noong Marso 14, 2018.
Ayon sa tagapagsalita ni Tallado na si Sherwin Mata, hinihintay na lamang nila ang kautusan ni DILG Secretary Eduardo Año para sa pagbabalik-trabaho ng gubernador.
Bago ang inaabangang pagbabalik-kapitolyo ni Tallado, papangunahan muna nito ang proclamation rally ng mga kapartido nito sa Biyernes,limang araw bago ang paghahain ng certificate of candidacy para sa mga tatakbo sa 2019 Midterm elections.