Manila, Philippines – Mariing pinabulaanan ni Senator Koko Pimentel na kinonsulta niya si Atty. Ferdinand Topacio kaugnay sa legal na usapin hinggil sa kanyang kandidatura sa pagkasenador sa 2019 elections.
Ayon kay Pimentel, kailanman ay hindi niya kokonsultahin ang isang abogado na kilalang pasimuno sa pakikibangayan sa halip na ipanalo ang kanyang mga hawak na kaso.
Diin ni Pimentel, kahit minsan sa buhay niya ay hindi sya sumangguni kay Topacio dahil wala ito sa listahan ng mga election lawyers na maari niyang tanungin.
Una rito ay iginiit ni Pimentel na siguradong mababasura dahil nuisance o panggulo lang ang disqualification case na inihain laban sa kanya ni Topacio.
Giit ni Pimentel, taliwas sa argumento ni Topacio ay kwalipikado siyang kumandidato muli sa pagkasenador dahil halos dalawang taon lang niya napagsilbihan ang una niyang termino.
Magugunitang si Senator Juan Miguel Zubiri ang idineklarang panalo noong 2007 pero nanalo si Pimentel sa kanyang election protest at naupong Senador noon lamang 2011 kaya hindi nabuo ang kanyang unang termino.