PINABULAANAN | Senator Trillanes, itinanggi na nawalan ng kontrol ang Pilipinas sa WPS

Manila, Philippines – Pinabulaanan ni Senator Antonio Trillanes IV ang akusasyon na ang pagiging negosyador niya sa China noong panahon ng Aquino administration ang naging daan kaya tuluyang nawalan ng kontrol ang Pilipinas sa West Philippine Sea.

Tugon ito ni Trillanes sa pahayag ni Foriegn Affairs Secretay Alan Peter Cayetano na nagsinungaling sya at sinabotahe ang kinabukasan ng bansa.

Paliwanag ni Trillanes, nagkaroon ng Panatag shoal standoff noong 2012 kung saan umabot sa 80 hanggang 100 ang Chinese vessels, na napababa sa tatlo dahil sa kanyang pagiging negosyador sa China.


Magugunitang sinupalpal din ni Cayetano ang mga sinabi ni Trillanes na mangingibabaw ang gusto ng China sa negosasyon para sa joint exploration sa West Philippine Sea na pinaniniwalaang mayaman sa langis.

Giit ni Cayetano, hindi susubo ang Duterte administration sa kasunduang malulugi ang sambayanang Filipino.

Ipinaliwanag pa ni Cayetano na sa negosasyon para sa joint exploration, ay sisiguraduhing masusunod ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin ang lahat ng dapat gawin para maprotektahan at mapang-ingatan ang bawat sulok ng teritoryo ng bansa.

Facebook Comments