PINAG-IINGAT | DOLE, nagbabala kaugnay sa modus na ‘Marriage-For-Job’ sa China

Manila, Philippines – Pinagiingat ng Department of Labor and Employment at Philippine Overseas Employment Agency ang mga Pinay sa modus ng ilang indibidwal na ipinapakasal sa mga Chinese nationals ang kanilang mga nabibiktima sa pangakong makakahanap ng trabaho ang mga ito sa China at makakakuha ng mga benepisyong pinansyal.

Ang babalang ito ay kasunod ng ulat ng Department of Foreign Affairs na mayroong limang Pinay sa probinsya ng Tonxu, Henan sa China ang stranded ngayon at humihingi ng tulong sa gobyerno upang makabalik ng bansa.

Base sa salaysay ng isa sa mga biktima, ni-recruit ito ng magasawang sina Li Chunrong alyas Steven Lee at asawa nitong Pinay na si Violeta Aquino, sa pamamagitan ng pagpapakasal ng biktima kay Wei Qi Lai na isang ring Chinese national, kung saan nakatanggap ng 100 libong piso ang pamilya ng biktima.


Gayunpaman, pagdating aniya nila sa China ay hindi naman pinayagan makapagtrabaho ang biktima. Nakaranas rin umano ito ng pangaabusong pisikal at sekswal mula sa kaniyang asawa.

Napagalaman rin na walang kakayahan ang kanilang mga napangasawa na sustentuhan ang kanilang pamilya, tulad ng kanilang ipinangako.

Sa datos ng DFA, nasa 23 Pinay ang nagpakasal sa mga Chinese national, sa pagaakalang makakapagtrabaho sila sa bansang Tsina.

Facebook Comments