Manila, Philippines – Pinagbibitiw na ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano sa gitna ng issue sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Alejano, wala ni isang diplomatic protest na inihain si Cayetano sa ilalim ng kanyang pamumuno sa DFA kahit makailang ulit nang nilabag ng China ang karapatan sa teritoryo ng Pilipinas.
Iginiit ni Alejano na ang hindi paghain ng isang diplomatic protest ay nangangahulugan lamang ng pagsang-ayon sa mga hakbang ng China sa WPS.
Aniya pa, kung hindi maipaglalaban ni Cayetano ang interes ng Pilipinas ay dapat na magbitiw na ito sa pwesto.
Tinatanggap din ni Alejano ang hamon ni Cayetano na patunayan kung may teritoryo ng bansa na naagaw na ng China at kusang magre-resign ito sa pwesto.
Ipinaalala ng kongresista ang pagkamkam ng China sa Sandy Cay na bahagi ng PAGASA island, ang militia fishing boats ng China na 24 oras nang nakapwesto malapit sa Sandy Cay na maituturing na physical control sa lugar at ang pagtataboy na ginagawa ng Chinese Coastguard sa tuwing may patrol vessel na dadaan sa Sandy Cay.