Kinukwestyon ni Senator Imee Marcos kung saan napunta ang mga sobrang inaning gulay sa gitna na rin ng tumataas na presyo ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Sen. Marcos, ipinapakita ng datos ng Department of Agriculture (DA) na ang mga naaning gulay sa mga kabundukan ay nakatulong sa pagtaas ng pambansang suplay sa 1,064,780 metric tons (MT),
Nagbunga aniya ito ng sobrang supply na 642,500 metriko tonelada at “sufficiency level” na 252%.
Ang mga gulay naman na naani sa mga kapatagan ay nakapagtala ng higit 100,000 metric tons na surplus.
Sa kabila ng masaganang aning naitala ng DA sa Supply and Demand Outlook nito, sinabi ni Marcos na hindi naman malinaw kung ano ang kinahinatnan ng mga sobrang gulay.
Aniya, makakatulong sana ito para madagdagan ang kita ng mga magsasaka at malaki sana ang matitipid ng mga consumer.
Inirekomenda naman ng senadora na tugunan ang kakulangan sa food supply chain, partikular sa food mobilization.