PINAGHAHANDA | Senator Zubiri, aminadong may uuwing luhaan kapag inaprubahan ang BBL

Manila, Philippines – Pinaghahanda ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) at mga mambabatas na mayroong uuwing luhaan kapag naaprubahan na sa bicameral conference committee ang mga pinagtatalunang probisyon sa ilalim ng Bangsamoro Basic Law.

Aminado si Zubiri na mainit na pinagtatalunan ngayon ang usapin sa territory at plebiscite sa ilalim ng BBL kaya tiyak na ito ang pinakahuling matatapos nila hanggang bukas.

Ayon kay Zubiri, maraming mga district representative ang tutol sa 39-6 provision kung saan 39 na barangay sa North Cotabato at 6 na munisipalidad ng Lanao del Norte ay mapapasailalim sa Bangsamoro region.


Aniya, naiintindihan niya ang sentimyento ng ilang mga kasamang mambabatas dahil ito ay mangangahulugan ng pagkawala ng kanilang teritoryo.

Bukod dito, nagtatalo din sa plebesito kung saan sa bersyon ng Kamara kailangan mayorya ng boto ay kukunin sa buong probinsya pero sa Senate version naman ay majority vote lamang ng mga municipalities ang kailangan para maging bahagi ng Bangsamoro.

Apela aniya ng Bangsamoro Transition Commission, maliit ang tyansang mapasama sa Bangsamoro kung ang pagbabasehan ay majority vote ng ‘Mother Province’.

Paliwanag ni Zubiri, nangako kasi noon ang gobyerno sa MILF sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na isasama ang 39 barangays ng North Cotabato at 6 sa munisipalidad ng Lanao del Norte sa Bangsamoro.

Facebook Comments