Manila, Philippines – Pinabubuo ni Senator Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) ng programa o mekanismo para matiyak na magkakaroon ng trabaho ang mga magsisipagtapos sa K-12.
Ngayong buwan ay inaasahang aabot sa 1.4 million ang magtatapos na estudyante ng senior high school.
Ito ang unang batch ng Grade 12 graduates sa ilalim ng K-12 program na nakapaloob sa Enhanced Basic Education Act of 2013 o RA 10533.
Layunin ng nabanggit na batas na mabigyan ng sapat na edukasyon at pagsasanay ang mga kabataan para maging handa agad sila sa trabaho kahit hindi na tumuntong ng kolehiyo.
Giit ni Gatchalian, kailangang tapatan ng gobyerno ng trabaho ang 2-taon na idinagdag panahon at gastos ng mga mag-aaral sa sekondarya.