Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang insidente ng umano’y food poisoning na nagdulot ng pagkaka-ospital ng nasa 90 na estudyante at guro sa San Francisco Elementary School sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, batay sa inisyal na report na
natanggap ng ahensya ay may nagbenta umano ng turon at lumpia sa loob ng nasabing paaralan bago maganap ang insidente.
Kasunod nito, nasa 88 na estudyante at anim na guro ang nakaranas ng pananakit ng tiyan at kalauna’y nagsuka matapos kumain ng nasabing paninda.
Batay sa kautusan ng DepEd, ipinagbabawal ang mga outside vendor sa loob ng paaralan, at tanging sa mga school canteen na may sanitary at health permit lamang maaaring bumili ng pagkain ang mga estudyante.
Samantala, tinitingnan pa ng ahensya kung pananagutin nito ang San Francisco Elementary School.
Sa ngayon ay may nakatalaga ng mga nurse para obserbahan ang kalagayan ng mga apektadong guro at estudyante, habang hinihintay pa ng DepEd ang resulta ng eksaminasyon mula sa kinuha nitong food sample para malaman ang sanhi ng insidente.