Manila, Philippines – Pinasasagot ng Korte Suprema ang dalawampu’t isang abogado na miyembro ng Aegis Juris fraternity sa reklamo laban sa kanila kaugnay ng pagkamatay ni hazing victim Horacio “Atio” Castillo III.
Ang kautusan ng Korte Suprema ay kasunod ng liham ni Senador Panfilo Lacson na nagrerekumenda ng disbarment proceedings laban sa mga miyembro ng Aegis Juris na sangkot sa pagtatakip sa kaso.
Tinukoy ng Korte Suprema na itinuturing nang pormal na reklamo ng hukuman ang liham mula sa Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs, at Justice and Human Rights.
Kaugnay nito, pinagkukumento ng Korte Suprema sa loob ng sampung araw ang mga abogadong kasapi ng Aegis Juris.
Kasama sa nahaharap sa disbarment complaint sina University of Sto. Tomas faculty of Civil Law Dean Atty. Nilo Divina at dating Isabela representative Edwin Uy.
Pinabibigyan din ng Korte Suprema ng kopya ng reklamo ang Civil Service Commission at Development Bank of the Philippines para sa kaukulang aksyon laban kina Atty. Henry Pablo at Atty. Gaile Dante Caraan.