Pinagmulan ng mga bloke-blokeng cocaine na nakita sa dalampasigan, hindi pa rin natutukoy ng PNP

PEREZ, QUEZON – Wala pa rin malinaw na impormasyon ang Philippine National Police (PNP) kung saan nagmula ang mga natagpuang bloke-blokeng cocaine sa eastern seaboard ng bansa.

Pinakahuling narekober na cocaine kahapon ay nakita sa Barangay Villamanzano Norte, Perez, Quezon.

Hinala ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde maaring nagmula sa isang malaking barko ang mga natagpuang cocaine.


Posible aniyang iniwan o inihulog na ito sa dagat para hindi sila mahuli o di kaya ay sinadyang ipaanod sa dagat at nilagyan ng tracking device para makarating sa paroroonan nito.

Pero naniniwala si Albayalde na tanging transhipment point lamang ng cocaine ang karagatan ng Pilipinas dahil hindi aniya nabebenta sa bansa ang cocaine dahil sa mahal nitong presyo.

Sa ngayon aniya, nakikipag-ugnayan sila sa foreign counterparts para matulungan silang matukoy kung saan nagmumula ang mga droga na nakita sa mga dalampasigan.

Facebook Comments