Itinuturing na positive development ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang pagsasagawa ng joint investigation ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa pagkamatay ng middleman sa Percy Lapid slay case na si Jun Villamor.
Ayon kay Azurin, magandang development ito para magkaroon ng closure ang kaso ng pagpatay sa beteranong brodkaster na si Percy Lapid.
Sinabi pa ni Azurin na halimbawa lamang ito na nagkakaisa ang lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa pagkamit ng katarungan hindi lamang para sa naulilang pamilya ni Lapid, kundi maging sa pamilya ni Villamor.
Paliwanag pa ng PNP chief, kahit na preso si Villamor sa New Bilibid Prison, hindi makatarungan ang pagkamatay nito dahil dapat ligtas ito sa kulungan.
Aniya, kung totoo mang may “foul play” sa pagkamatay ni Villamor, dapat managot ang nasa likod nito.