Pinaigting na “Double Barrel Finale Version 2022”, isusulong ng bagong hepe ng PNP

Ipagpapatuloy lamang ni Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Dionardo Carlos ang magagandang nasimulan ng mga dating hepe ng Pambansang Pulisya.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Carlos na wala siyang babaguhin sa mga plataporma ng PNP sa halip ay mas paiigtingin niya ang mga kampanya nito kabilang ang paglaban sa iligal na droga, kriminalidad at terorismo.

Partikular dito ang naging programa noon ng dating PNP chief at Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na Oplan Double Barrel na tatawagin ngayong “Double Barrel Finale Version 2022.”


Sa ilalim nito, palalakasin ng PNP ang koordinasyon nito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drugs Board (DDB) gayundin ang pagpapalakas sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

“Wala po naman talagang bago na ipapatupad, ipagpapatuloy ho natin ang magagandang programa ng mga nakaraang hepe ng Pambansang Pulisya. So, yung 225,000 na mga policeman, policewoman natin… pipilitin ho namin na kami e iisa ang direksyon, gano’n naman ho talaga,” ani Carlos.

Pero sa ngayon, ayon kay Carlos, tututukan muna niya ang mga paghahanda at paglalatag ng seguridad para sa eleksyon.

Aniya, tuloy-tuloy ang gagawin nilang rotation policy para maalis ang familiarity ng mga pulis sa mga pulitiko at maiwasan ang partisan.

“Tandaan po natin, kami po e isang ahensya na mapapailalim ng COMELEC pagdating ng election period so we will always be under the instruction and command of the COMELEC and we work together with other deputized agencies,” paliwanag niya.

“Ang amin po naman ay, para hindi ho kami masabihan na may pagkiling, wala po, magiging non-partisan po ang ating PNP, kami po ay very professional,” dagdag pa hepe.

Facebook Comments