Hindi aalisin ng Philippine Coast Guard ang pinakamalaki at pinakamodernong barko na BRP Teresa Magbanua na naka-deploy ngayon sa Escoda Shoal.
Ito ay sa gitna ng patuloy na presensiya ng China Coast Guard at mga Chinese Militia sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Kamakailan, naging matagumpay ang makasaysayang change of command ceremony ng PCG kung saan pinalitan ni Lieutenant Efren Duran si Commodore Vladimer Gaspar, na nagsisilbing commanding officer ng BRP Magbanua sa loob ng walong buwan.
Isinagawa ang seremonya sa Escoda Shoal kung saan may mga malapit na naka-aligid na barko ng China Coast Guard.
Samantala, sa ngayon ay inaasang bubuo ng bagong regional coast guard protocol katuwang ang mga Coast Guard ng mga bansang kasama sa Asean para sa pagbabantay kontra sa drug trafficking, smuggling, iligal na pangingisda, pamimirata at pagpapapasok ng mga weapons of mass destruction.