Pinakamataas na Opisyal ng NPA sa Cagayan Valley, Patay sa Engkuwentro

Cauayan City, Isabela- Isa ng malamig na bangkay ang pinakamataas ng pinuno ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG) nang madiskubre ng mga sundalo at pulis na nagsasagawa ng hot pursuit operation laban sa mga rebeldeng NPA na nakasagupa ng 86th Infantry Battalion kamakalawa sa barangay San Mariano Sur, San Guillermo, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Lt. Col. Ali Alejo, Commanding Officer ng 86IB, natunton ng mga sundalo at pulis ang bangkay ng naturang NPA na kinilang si ‘Ka Yuni’ o Rosalio V Canlubas na tubong Calinan, Davao City matapos ituro ng mga residente ang pinaglibingan ng kanyang mga kasamahan sa barangay Dingading na kalapit na barangay ng pinangyarihan ng bakbakan.

Ayon pa opisyal, si Ka Yuni ang itinuturing na pinaka mataas na pinuno ng RSDG na nangunguna sa pagsasagawa ng pangongotong sa mga mamamayan sa lambak ng Cagayan, panununog ng milyong-milyong halaga ng mga heavy equipment at utility vehicles ng isang minahan sa barangay Dimaluadi, Dinapigue, Isabela noong Oktubre 2018 at pag-atake sa Maddela Police Station sa Quirino noong Abril 2017 na kung saan napatay nila ang isang pulis at kinuha ang mga baril at uniporme ng mga pulis.


Bukod sa pagiging Commanding Officer ng Sentro de Gravidad Cag. Valley, siya rin ay 1st Deputy Secretary ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley at pinuno rin ng Regional Operation Command ng NPA sa buong Region 2.

Dagdag pa ni Lt. Col Alejo, nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at kamay si Ka Yuni nang madiskubre ang bangkay nito na inihukay sa sagingan sa barangay Dingading.

Sa ngayon ay nananatili pa rin sa isang punerarya sa naturang bayan ang bangkay ng NPA at hinihintay kung ito’y kukunin ng kanyang mga kamag anak.

Si Ka Yuni ay dating Kadre bilang si alyas ‘Dondie’ ng Regional Headquarters (RHQ), Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) bago itinalaga sa Region 2 at inatasang buhayin ang mga nabuwag na komite front ng NPA sa rehiyon.

Facebook Comments