PINAKIKILOS | Upgrade sa x-ray machines sa Customs, hiniling ng isang mambabatas

Manila, Philippines – Pinakikilos ni dating Customs Commissioner at ngayon ay Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon ang Bureau of Customs na i-upgrade ang mga x-ray machines na ginagamit para sa masusing inspeksyon ng mga kargamentong pumapasok sa bansa.

Ang rekomendasyon ay kaugnay na rin sa naibunyag sa joint congressional hearing kahapon tungkol sa nakalusot na P6.8 billion pesos na shabu shipment sa Cavite.

Inihain ni Biazon ang House Bill 1253 kung saan inaatasan nito ang BOC na gamitin ang 1% ng koleksyon nito sa duties at taxes para sa modernisasyon.


Layunin ng panukala amyendahan ang Republic Act 10863 upang magdagdag ng probisyon.

Sa pamamagitan nito ay makakabili aniya ang ahensya ng equipment, information technology systems and construction at pagsasaayos ng mga pasilidad.

Paliwanag ni Biazon, maraming loopholes sa x-ray system gaya ng kakulangan sa manpower na siyang susuri sa images, magsasagawa ng analysis at maglalabas ng findings para malaman kung dapat palusutin ang isang kargamento.

Idinagdag rin niya ang accessibility sa pagkopya at pagdownload ng mga datos na lubhang delikado gaya ng ginawa ng witness na si Attorney Lourdes Mangaoang.

Giit pa ng kongresista, kung upgraded lang ang sistema sa ahensya at puspusan ang modernisasyon ay hindi malabong maging efficient, may integridad, at magagampanan ng BOC ang mandato nito.

Facebook Comments