Inaasahang ilalabas mamayang gabi ng Palasyo ang pinal na desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging batayan o guidelines ng buong bansa hinggil sa pagsusuot ng face shield.
Ito ay kasunod ng apela ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pangunguna ng Department of Health (DOH) na huwag alisin ang pagsusuot ng face shield sa mga matataong lugar.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagama’t pumapayag na ang DOH na huwag magsuot ng face shield sa mga open space area, dapat pa rin aniya itong ipatupad sa mga opisina, malls, pagamutan, eskwelahan, transport terminals at workship areas.
Sa interview naman ng RMN Manila, binigyang-diin ni dating National Task Force on COVID-19 Special Adviser Dr. Anthony Leachon na mas delikado ngayon na mawalan ng proteksyon ang publiko sa pag-aalis ng face shield lalo na’t may banta ng Delta variant, na may mataas na positivity rate sa virus at surge sa ilang lugar sa bansa.
Giit ni Leachon, sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing ay 99% na protektado ang publiko sa iba’t ibang variant ng COVID-19.