
Nagsagawa ng barangay visitation at dayalogo ang mga tauhan ng San Carlos City Police Station noong Pebrero 25, 2026 sa Brgy. Salinap, San Carlos City. Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na programa ng kapulisan na naglalayong mapalapit ang kanilang serbisyo sa komunidad at mapanatili ang kaayusan sa bawat barangay.
Sa isinagawang talakayan kasama ang mga opisyal ng barangay, ibinahagi ng mga pulis ang mahahalagang impormasyon hinggil sa crime prevention at safety tips, kabilang ang mga paalala laban sa iba’t ibang uri ng krimen at mga hakbang upang maiwasan ang insidente sa kanilang nasasakupan. Nagkaroon din ng bukas na talakayan kung saan naipahayag ng mga opisyal ang kanilang mga obserbasyon at mungkahi para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga programa sa seguridad.
Layunin ng nasabing gawain na higit pang mapagtibay ang koordinasyon sa pagitan ng kapulisan at lokal na pamahalaan, gayundin ang pagpapatatag ng tiwala at kooperasyon ng komunidad. Patuloy ang pagsasagawa ng ganitong mga aktibidad upang masiguro ang isang ligtas, maayos, at mapayapang kapaligiran para sa lahat.










