Manila, Philippines – Pinalawig ng Social Security System (SSS) ang deadline sa pagbabayad ng kontribusyon para sa mga buwan ng Enero hanggang Disyembre ngayong taong 2018.
Saklaw nito ang lahat ng mga miyembro ng SSS, maliban sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) members.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, sa pamamagitan ng pagbabago, mapagbibigyan ang sinuman na nais magbayad ng kanilang buwanang kontribusyon ngunit bahagyang naapektuhan dahil sa naunang implementasyon ng Real-Time Processing of Contributions o RTPC program.
Base sa inilabas na SSS Circular, ang deadline ng pagbayad ng kontribusyon para sa mga empleyado ay nabago mula sa kasalukuyan nitong schedule, na base sa ika-sampung digit ng labintatlong digit ng SSS number ng employer, hanggang sa katapusan ng sumunod na buwan.
Samantala, ang mga household employers at mga indibidwal na miyembro naman ay maaaring magbayad ng buwanang kontribusyon hanggang sa katapusan ng taon.
Dahil sa ang huling araw ng Disyembre 2018 ay idineklarang walang pasok, ang deadline ng pagbayad ay mas pinahaba pa hanggang sa Enero 2, 2019.
Ang mga kontribusyon para sa huling quarter ng 2018 ay maaaring bayaran hanggang Enero 31, 2019.