Manila, Philippines – Pinalipat ni Senator Panfilo Ping Lacson ang 9 na bilyong piso na pork lump sum sa proposed 2019 national budget para gamitin sa recruitment at training ng mga bagong miyembro ng Philippine National Police o PNP.
Ginawa ito ni Lacson, makaraang ilatag ni Senator JV Ejercito sa budget deliberations na kailangan ng PNP ng 54 million pesos para sa training ng 12,000 bagong recruit nito.
Isinulong din ni Lacson na ang bahagi ng nasabing salapi ay gamitin para sa iba pang pangangailangan ng PNP tulad fixed-wing aircraft at sa pangangalaga ng helicopter nito at watercraft.
Ang 9 na bilyong piso ay kinuha ni Lacson sa pondong para sa Assistance to Local Government Unit o ALGU na pinalobo ng mga kongresista nang hindi ikinonsulta sa Malakanyang.
7 bilyon pesos lang ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa ALGU pero itinaas ito ng Kamara sa mahigit 16-billion pesos.
Sa budget deliberations ng Senado ay mariin ding itinanggi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na may alam sila sa nabanggit na pinalaking pondo para sa ALGU.