Manila, Philippines – Pinamamadali ni Senator Win Gatchalian ang pagpasa sa Senate Bill Number 911 o ang panukalang pag-amyenda sa Omnibus Election Code para mapatawan ng kaparusahan ang mga panggulong kandidato tuwing eleksyon.
Naniniwala si Gatchalian na marami sa mga naghain ng Certificate of Candidacy o COC para sa 2019 elections ay nagti-trip lang.
Ipinaliwanag ni Gatchalian, na nakakatuwa sana na marami ang gustong maglingkod sa publiko pero dapat ay matiyak na hindi kasama sa mga ito ang nais lang babuyin ang proseso ng halalan.
Diin pa ni Gatchalian, nasasayang lang ang oras at resources ng Commission on Elections o Comelec sa pagproseso ng mga kandidato na hindi naman seryoso sa pagtakbo atwalang kakayahan na mangampanya.
Ikinatwiran din ni Gatchalian na bagaman at ginagarantayan ng konstitusyon ang pantay na oportunidad para sa lahat ay malinaw naman sa naging desisyon ng Korte Suprema na ang public office ay isang pribelehiyo at hindi karapatan.
Sa panukala ni Gatchalian, ang sinumang maghahain ng COC na mapapatunayang nais lang manggulo, sirain ang reputasyon ng electoral process at kumita ay pagmumultahin ng 50,000 pesos at makukulong ng mula isa hanggang anim na taon.