PINARANGALAN | Napatay na Pasay City PNP Intelligence Section Chief S/Insp. Manuel Taytayon, bibigyan ng parangal ng PNP

104

Manila, Philippines – Pararangalan ng Philippine National Police si Pasay City PNP Intellegence Section Chief S/Insp. Manuel Taytayon na napatay nang maka-engkwentro si Marc “Nico” Delemios na suspek naman sa pagpatay sa Grab Driver na si Gerardo Maquidato Jr. noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Ayon kay PNP Chief DGen. Oscar Albayalde, ipinagluluksa ng buong Pambansang Pulisya ang pagkamatay ni Taytayon.

Hindi aniya matatawaran ang ginawa nitong kabayanihan na nagbuwis ng buhay habang gumaganap sa kaniyang tungkulin.

Magugunitang pinaulanan ng bala ni Delemios si Taytayon makaraang makatunog ito na aarestuhin na siya sa kaniyang tinutuluyang bahay sa Baclaran kahapon ng hapon.

Pero kahit bumagsak na at tadtad ng bala sa katawan, nagawa pa rin ni Taytayon na gumanti ng putok kay Delemios na siyang dahilan para mapuruhan niya ito at mapatay.

Si Delemios na miyembro rin ng Batang City Jail ay nahaharap sa mga kasong Carnapping, Robbery with Homicide at Murder sa Pasay City Regional Trial Court branch 115

Gagawaran ng promosyon si Taytayon bilang Chief Inspector at makukuha ng pamilya nito ang benepisyong nakalaan para rito bukod pa sa tulong pinansyal na magmumula sa Tanggapan ng Pangulo.

Facebook Comments