Manila, Philippines – Pinasinungalingan ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go ang naging pahayag ni Communist Party of the Philippines founding Chairman Joma Sison na na-comatose si Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.
Sinabi kasi ni Sison na napansin ng ilang dumalo sa pagtitipon ng mga miyembro ng Lex Tallionis Fraternity na maitim ang mukha ng Pangulo at wala ito sa balanse at ayon aniya sa kanyang mga sources ay na-coma si Pangulong Duterte.
Ayon kay Go, nakausap pa niya si Pangulong Duterte kaninang 2:00 ng madaling araw at ngayon ay nagpapahinga ang Pangulo.
Sinabi pa ni Go na baka nananaginip lang si Joma at siya pala ang na-comatose.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na in good state of health si Pangulong Duterte na ngayon ay nasa Davao city.
Bukas aniya ay mayroong public event si Pangulong Duterte sa Cebu at doon makikita na maayos ang Pangulo.
Umapela din si Roque sa publiko na wag pakinggan si Sison dahil hindi naman ito doktor.
Dagdag pa ni Roque, walang alam si Sison sa kalagayan ng kalusugan ng Pangulo dahil malayong malayo naman ito sa Pilipinas.