Manila, Philippines – Pinahaharap ng Kamara ang Philippine National Police (PNP) para pagpaliwanagin sa ginagawang profiling sa mga makakaliwang organisasyon at kandidato.
Sa inihaing House Resolution 2233 ng MAKABAYAN bloc, hiniling na imbestigahan ang bagay na ito.
Binanggit sa resolusyon na noong September 25, ang Director ng District Intelligence Division ng Manila Police District ay naglabas ng memo sa lahat ng MPD station commanders na nag-uungkat tungkol sa kanilang periodic situation report.
Napag-usapan dito ang mga sinasabing threat groups sa gobyerno kabilang ang mga rebeldeng nagsusulong ng peace talks tulad ng MILF, MNLF, mga terorista kabilang ang ISIS at Abu Sayyaf.
Ipinamomonitor sa mga police stations pati ang mga kandidato na suportado umano ng mga rebeldeng komunista.
Ayon sa MAKABAYAN bloc, mapanganib ang ganitong memo dahil nagtutulak ito sa mga pulis na maging utak militar lalo pa at nagagamit na ang kautusang ito sa pangha-harass sa ilang indibidwal, kandidato at organisasyon.